Karen Ann Quinlan Play: Shooting Day 2
2/10/06 Sabi ni Pitchie, magkita-kita raw sa Ministop, 1 P.M. Finalize. 9 A.M. Sa bahay daw nila David magshu-shoot. Sabi ko, hindi kaya makaabala sa kanya kasi,ipinagdrive na niya kami gamit 'yung kotse niya. Inialok ko pa nga 'yung bahay namin. Buti na lang hindi nila binalak na mag-shoot sa amin. Pumayag naman si David - tamang-tama dahil wala raw ang nanay niya bukas.
2/11/06 Maaga akong dumating sa faculty room pero hinintay kong mag-9. 'Yun ang napag-usapang oras, e. Wala ang tatay ko, nagpunta sa Laguna para sa HS Homecoming nila. May homecoming din ang nanay ko sa hapon. Namasahe lang kami. 9 A.M. Pumunta na 'ko sa Ministop (Gastambide). Ang dami kong dala - mga damit & handout sa Socio-Anthro (marriage & the family). Sino'ng nandoon? Si Anthony - lang. Naka-t-shirt na blue. Alas-7 daw siya umalis sa bahay & dumating doon nang alas-8. Sabi ko, dalawa kasi 'yung oras na ibinigay ni Pitchie - 9 A.M. & 1 P.M.. Bumili ako ng maliit na sabon. P8.50. May tax na 1.50 - exclusive. Nagbasa ako ng handout habang naghihintay sa pagdating ng iba. Inilabas ni Anthony ang wallet niya. Sa ate raw niya 'yon - luma & hindi na ginagamit. Nandoon ang picture ng nanay niya & studio shot niya kasama ang isang kaklaseng (?) lalaki. Natatawa ako sa studio shot na 'yon - para siyang naka-lipstick & make-up. Hehe. Dumating si Kris Ann. Naka-sleeveless. Astig! Magshu-shoot kami ng adoption scene. Alam ko, hindi pa uso ang sleeveless noon. Dumating si Pitchie, naka-blue na blouse & nakatsinelas. Dumating na rin si Angeli. Astig 'yung blouse ni Kristina, may nakasulat na “Juicy”. Sabi ko, pwede bang tikman 'yang juicy? ^^; Wala pa sina Rachelle & Klarisse. Sabi ni Pitchie, nasa airport daw si Ralph. Bumili si Pitchie ng joe bush para maging dugo sa miscarriage scene. Pumunta kami sa bahay ni Ralph. Sabi ng gwardiya, dumating na raw ito galing sa airport & umalis uli para mag-basketball. Tama 'yan. Iwasan ang shooting. Pumunta na kami sa chapel para mag-shoot ng adoption scene. May dala si Kristina na puppet baby. Astig, dahil mukhang totoo. Si Pitchie ang madre. Nakipagpalit siya ng tsinelas. Isinuot niya ang victorian maid costume ni Daryl. Akala ko mahaba kay Pitchie, ok naman pala. Belo? Palda ng AHSE uniform. Hiniram niya ang panali ko sa buhok. Sabi ko, pasensya na siya dahil mabaho ‘yung pantali ko sa buhok. Isa lang ang hairclip & wala na akong nahanap sa locker ng nanay ko. Sepia ang film shot para mukhang luma. Dumating na si Klarisse. Hindi na ako masyadong nakialam sa shooting ng adoption scene. Nabasa ko 'yung naka-pin sa board. Sinulatan ng mga bata ang Diyos. Nakakatawa 'yung mga sinabi ng mga bata. Minsan, masyado nang komplikado ang buhay ng tao kaya hindi na natin naiisip ang mga simpleng bagay. Nakaka-touch 'yung sinabi ng isang bata. Heto.
Dear God,
Instead of letting people die & having to make new ones, why don't you just keep the ones you got now?
Jane
Kung gusto raw ni Ralph na humabol, pupuntahan niya kami sa chapel. Nang matapos ang adoption scene, hinintay naming dumating si Rachelle. Galing pa raw kasi ito ng Bulacan. Habang naghihintay, pinaglaruan nila 'yung puppet baby. Kinarir yata ni Anthony ang pagiging tatay. Nag-iinternalize? Ewan. Hah! Pareho pa kami ng kulay ng damit ni Rachelle - yellow. Palabas na kami ng Lepanto gate nang makita namin sina Jenny (Batigolao), Hanna, Cherry, & Mulan na nagshu-shoot din para sa Health Ethics - Nancy Cruzan. Nasa kamang de gulong si Jenny, may dugu-dugo pa. Siya si Nancy. Si Hanna ang nurse. Astig! Parang professional. As usual, AHSE uniform ang suot ng nurse. Nakasuot ng operating suit & lab gown si Mulan. Naglakad kami hanggang Morayta para maghanap ng masasakyan. Para raw kaming magsu-swimming dahil naka-blouse & tsinelas lang 'yung ibang babae. Sumakay kaming 8 (ako, Angeli, Klarisse, Kristina, Kris Ann, Pitchie, Rachelle & Anthony) sa isang Tamaraw FX na pula. Habang nasa sasakyan, nagkapansinan ng mga ulo - kung flat ba o hindi. Inaantok daw si Klarisse. Sabi ko, tumabi siya sa akin para makasandal siya sa taba ko, pero hindi siya lumipat. ^^; Ang layo ng bahay ni David. Sa Quezon City - lampas pa ng New Era. Naghintay kami sa tapat ng isang tindahan. Bumili si Angeli ng Sweet Corn na tig-pipiso. 'Yung iba, bumili ng ice cream cones. Isang bote lang ng tubig ang dala ko kaya hindi ako bumili ng ice cream. Nang tangkain ko nang bumuli, dumating na si David, sakay ng Nissan Frontier Titanium. Galing daw ito sa mall. Binati ni Anthony ang gasgas sa right side ng van. "Tol!" tatawa-tawa pa nag kumag habang hinahawakan ‘yung gasgas. Sumakay ang mga babae sa van. Naiwan ako sa labas. Akala ko sasakay kami sa likod ng pick-up, pero sabi ni Anthony, lakarin na lang daw namin 'yung papunta sa bahay. Pababa raw 'yung daan papunta dun kaya matatagtag sila sa loob ng van. Malaki raw ang bahay nila David kaya mamamangha raw ang mga ka-grupo namin. Rich kid naman kasi 'yun. Sabi ko, hindi naman ako basta-basta nagre-react sa mga nakikita ko. Syempre, naunang makarating 'yung mga nakasakay sa van. Oo nga, malaki 'yung bahay. Tumawag sila sa Jollibee para magpadeliver ng tanghalian. Pinagtiyagaan muna namin 'yung sweet corn habang wala pa 'yung pagkain. Pabirong nagparinig si Angeli, sana raw iba ang pinili ni Kris Ann para maging tatay niya sa play. "Jologs" ang palabas sa cable. May nagtanong kung bakit nakakalipad si Julia Clarete. Sabi ko, martial arts. Sabi ni Angeli, lumilipad ba 'pag nagma-martial arts? May laruang cowboy (?) na nakaupo sa puno ng mangga sa gitna ng yard, feeling kapre. Nag-concert si Angeli ng I Turn to You habang nakikinig sa celfone niya. May bagong FHM si David, si Camille Pratts ang covergirl. May sample pa ng Premiere Condoms & may kasama pang sex tips. Sabi ni Kristina, hindi raw matalbog 'yung bola ng basketball. Umalis sina David & Anthony, hindi ko alam kung saan nagpunta (baka nagbasketball, ewan). Nakaupo kami ni Rachelle sa bench na bato nang may sumitsit sa 'min. May bata sa 2nd floor. Ang kulit. "Psst! Babae" Sabi ko, may identity crisis ako kaya hindi ko pa alam kung babae ba ako o lalaki. Sabi ng bata, idaan daw namin 'yung bola ng basketball sa bintana. Paano naming idadaan 'yun, e may grills ang bintana & nasa 2nd floor siya. Pinababa ni Rachelle 'yung bata. Dumating na ang pagkain after 48 years. Akala ko nga, alas-3 pa kami manananghalian, e. Shoot daw muna ng lunch scene kaya sa yard kumain 'yung mga hindi kasama sa eksena. Dahil wala si Ralph, tinanggal na 'yung role na John (kapatid ni Karen). Si David (as driver) na lang ang isinama sa eksena. Naglabas siya ng mga plato & kubyertos. Wow, pare! Heavy! Ang bigat ng mga plato. Dun kami kumain. May baon si Anthony, manok din - tulad ng ulam naming Chickenjoy. Mas marami pa ang kanin niya kay Angeli, e si Angeli ang dapat na matakaw sa eksena. Bloopers na naman ang dala ni Anthony. Sabi ko, isulat na lang namin 'yung dialog niya sa plastik ng loaf bread para hindi na niya makalimutan. Maiksi lang naman 'yon. Karen, you're hungry, aren't you? Nagreklamo si Angeli. Mauubos na raw 'yung pagkain niya, hindi pa tapos ang eksena. Hindi raw alam ni Kristina na magsasalita ako kaya hindi niya ako nakuhanan. Ok lang. Pagkatapos kumain, inipon ko ang mga kalat & kinuha ang mga hindi nagamit na straw, tinidor, & tissue. Naghanap si Pitchie ng bote para pagkalugan ng joe bush. Lumabas ang lahat dahil ayaw ni Kris Ann na may nanonood sa kanya kapag nagshu-shoot. Ok, pagbigyan si movie star. Si Kristina ang nag-demo ng miscarriage: bababa ng hagdan & mapapaupo sa isang step. Sabi ko kay Kris Ann, sumigaw siya ng "Joe!" Ayaw niya. Sige, "Oh my God" na lang. Lumabas man ako, sinilip-silip ko pa rin ang ibang kuha mula sa katabing kwarto. As usual, bloopers ni Kris Ann ang sumunod. Puti ang palda ni Kris Ann (ipinahiram?) kaya sa binti lang siya binuhusan ng dye. Akala nga ng cook, nahulog si Kris Ann sa hagdan. Pinahiram ni David si Anthony ng maroon na polo dahil wala itong dalang costume. Maraming bloopers sa pagbuhat kay Kris Ann dahil hindi niya nakayang ilabas si Kris Ann nang dire-diretso mula sa bahay papuntang van. Pagdating sa van, nakatayo si Kris Ann. Pagsakay ni Anthony, napindot pa niya 'yung busina. Humingi ng tissue si Kris Ann para matanggal 'yung dye sa binti niya. Napatapang siguro 'yung formula nila: mga 3 takip na tubig + dye. Nagpalit ng blouse si Kristina, "Delicious" naman ang nakasulat. Sabi ko, wala bang "Tasty"? ^^; Bumaba si Joshua, 'yung batang sumisitsit sa amin ni Rachelle. Ampon daw nila David. Makulit, nanununtok, & malikot. Kinausap nina Pitchie & Kristina. Sinasaway nga ni David si Joshua, pero nakangiti. Sabi ko, paanong susunod sa kanya si Joshua, e nakangiti siya - parang hindi nagagalit. Tumutugtog din si Joshua ng lighting keyboard. Hayun, 'yung keyboard naman ang napagtripan nila. May ipinasuot na spaghetti strap na blouse si Pitchie kay Angeli. Nilagyan ko ng t-shirt sa tiyan si Angeli para magmukhang mataba. Kailangang patabain ang braso ni Angeli kaya humiram kami ng 2 face towels kay David. Sa dinami-dami namin sa grupo, ako & si Pitchie lang ang nag-PA (production assistant/private alalay^^;). Sina Klarisse & Rachelle, patugtug-tugtog na lang ng keyboard. 'Yung natira, nakatunganga o nagte-text. Fitting scene. 'Yung kamera ang salamin. Parang nagme-memorize ng linya si Angeli sa pagbitaw ng dialog - tagalog pa 'yung accent. Sinenyasan siya ni Kristina na lumapit. Biglang nagsalita si Angeli ng "what do you think?" paglapit niya sa kamera. Mamatay-matay si Kristina sa katatawa. Nagulat daw kasi siya dahil hindi niya inasahan ang ginawa ni Angeli. Nag-shoot din ng exercise scene. Sabi ko, hindi na 'yon kailangan dahil nag-radical diet si Karen para pumayat & hindi na nag-exercise. Pinabayaan ko na lang sila. Isinuot ni Angeli ang t-shirt na ipinalaman namin sa damit niya. Pinag-exercise nila ito sa labas. May mga kuhang kasama niyang tumakbo si Pitchie. Pinag-dumbbell din nila si Angeli. Kinontrata nila si Joshua para gumanap na batang Karen pero ayaw niya dahil gagawin siyang babae. Napilit din nila itong paartehin sa diet scene. Pinakuha nila si David ng tinapay & kinagatan niya ito sa isang anggulo. Nakalimutan daw niya na may bubblegum siya sa bibig. Aalukin ni Joshua si Angeli ng tinapay, tatanggi si Angeli, kakagatan ni Joshua 'yung anggulo na may kagat na. Pero parang ayaw mamigay ni Joshua dahil hindi niya inilapit 'yung tinapay kay Angeli. Hinintay pa naming gumabi para mai-shoot ang party scene. Gabi kasi ang oras nun. Nag-alala ang marami dahil gabi na sila makakauwi, lalo na si Anthony. Taga-Maynila lang kasi 'yung iba, samantalang kami ni Anthony, taga-Cavite pa. Gabi pa ang party scene pero nagbihis na kami. Astig 'yung CR, nasa 2nd floor - sa taas ng hagdan. Meron ding 2 kama sa itaas. Nasa kabilang kwarto 'yung drum set. Nag-teks sina Angeli, Klarisse, & Joshua. 'Yung dalawang lalaki, parang nakauniform - parehong naka-long sleeved blue polo. Wala raw costume si Klarisse kaya inimprovise na naman namin'yung victorian maid costume para maging palda lang. Pink blouse na pinatungan ng sparkling sleeveless green blouse ang pantaas niya. Nakakatawa 'yung hairdo ni Anthony (old school daw, bagsak na wet look). Ang cute ng costume ni Pitchie, parang Snow White. Si Klarisse daw 'yung reyna/witch/Madam Auring ^^;. Isinuot uli ni Angeli 'yung isinukat niyang damit. Pasaway ako dahil hindi ako sumunod sa dress code. 'Yung isinuot ko nung singing contest ang isinuot ko - pang-manang. Dalawa kami ni Klarisse na iba ang costume. Nanghiram 'yung mga babae ng rubber shoes kay David. Sa ate raw niya ang mga 'yon. Kinunan ni Kristina si Anthony na kunwaring tumutugtog ng lighting keyboard. Sa kaka-exhibition, natumba 'yung upuan. Nawala ang script. Napraning ako kahahanap sa script, e nasa taas lang pala. Palabas sa TV ang Little Big Star. Sabi ko kay Kristina, kung maganda & mataas ang boses ko, bakit hindi ako sasali sa singing contest. Naghugas kami ng juicer & mga baso para sa party scene. Iniakyat namin sa terrace ng 2nd floor ang mga baso, wine, coke, juicer, 1L bottle ng emperador, & 1L bottle ng SMB. Iniakyat din 'yung lighting keyboard para sa background music. Sa kakahintay sa gabi, napasobra naman kami. Nakakatakot umakyat sa spiral stairs. Wala pa naman akong pantylet noon (ako lang ba?) O.O. Natutulog sa katapat na kwarto ng terrace si Joshua. Umalis din naman siya. Maalikabok sa taas. Sabi ni Pitchie, Going' Bulilit daw ang tugtog (la kukuracha?). Sabi ni Rachelle, uubusin daw niya 'yung Coke – at tinotoo niya. Hindi ako nakainom kahit isang patak ng Coke, pero ok lang. Si Kris Ann ang nag-camerawoman. Umikot-ikot daw kami sa mesa habang sumasayaw. Baha na naman ang bloopers. Hindi ko alam kung bakit binuksan ni Anthony ‘yung polo niya, pakiramdam yata niya e macho siya. Nagbago ang plano. Itinabi namin ang mesa & mga upuan para lumawak ang dance floor. Dumating na ang nanay & ate ni David. Tumahimik kami. "Good evening, po." Sabi ng cook, "Tuloy ang party!" Masyadong mapapel si Anthony sa camera. Sabi ko, tumabi-tabi naman siya nang makita naman kami sa eksena. Sinaway ako ng mga ka-grupo ko. Huwag daw akong maingay. Party scene ang eksenang may pinakamaraming bloopers. Si Kristina na uli ang camerawoman nang kukunan na ang hilo scene. Nagtext ang nanay ko kaya naki-text muna ako kay Angeli dahil -as usual- wala na naman akong load. Binago nila 'yung script. Hindi na raw tatawag ng ambulansya. Bubuhatin daw ni Anthony si Angeli para isugod sa ospital. Pinahirapan pa nila 'yung tao (tao?) ^^;. Marami ring bloopers sa pagbuhat kay Angeli. Sabi ni Anthony, kayang-kaya raw niyang buhatin si Angeli (parang mas madaling buhatin si Angeli kaysa kay Kris Ann) - pero nahirapan siya. Nakaupo raw kasi si Kris Ann nang buhatin niya 'to, 'di katulad ni Angeli - nakahiga. Nabalatan pa niya 'yung paltos ni Angeli sa braso (kanan?). Binuksan nila 'yung wine kahit hindi malamig. Masarap daw. Nagligpit na sila habang kinukunan ni Kristina ang phone scene. Natawa siya dahil hindi raw ako nag-babay sa telepono bago ko ibinaba. Ang lakas ng dial tone. Pagbaba ko, nakita ko si Anthony na parang maiiyak & alalang-alala. Galit na galit na raw ang nanay niya. Hindi na kinuhanan ang kabilang linya ng phone scene dahil wala raw pantulog si Kris Ann. Pagkabihis & pagkaligpit ng gamit, nagpaalam na kami sa nanay & ate ni David. Nakiusap ang mga ka-grupo ko na ihatid kami ni David sa kanto. Nang nakasakay na kami sa kotse, nagbago ang plano. Ihatid na raw kami ni David sa sakayan. Kanya-kanyang bayad ng P25. Hindi akao nakabayad dahil wala akong barya. Nasa trunk sina Rachelle & Pitchie. Nang bumaba na si Pitchie, sumakay ako sa trunk para samahan si Rachelle. Para kaming mga refugees. Nagpatugtog na naman si David ng Wasting Our Time. Masaya sa trunk dahil kita ang langit, matagtag nga lang. Hindi ko na maalala kung bakit kami inabutan ng unan. Sabi ko kay Rachelle, "Parang wala tayong midterms sa Monday, a". Nakita ko na rin ang pink power billboard ni Janice Hung. Ibinaba si Angeli sa Kalookan, may sakayan daw doon ng LRT. Lumipat din kami sa loob nang bumaba na ang iba. Ibinaba kami ni David sa 'di kalayuan. Inalok pa nga kami ng pamasahe - e buo rin. Naiwan si Kristina sa kotse. Sumakay kami (ako, Rachelle, Klarisse, Kris Ann, & Anthony) ng jeep. Habang nasa gasolinahan, sabi nila maganda raw kung ia-arte ni Anthony 'yung commercial ng Fita - 'yung "I hate me! I hate me!" May umakyat na bata, nagpunas ng mga sapatos. Sabi ko, wala siyang pakikintabing sapatos dahil naka-rubber shoes ang mga pasahero. Binigyan ni Kris Ann ng pera 'yung bata. Maya-maya, isa-isa na silang nagbabaan hanggang kami na lang ni Anthony ang natira sa grupo (hindi ako sigurado kung kami 'yung bumaba o may naiwan pa sa jeep). Nag-alala ako sa kumag dahil tiyak na pagagalitan siya pag-uwi. Dasal nga ako nang dasal sa Diyos na 'wag sana siyang saktan ng tatay niya pag-uwi. Sabi niya, kailangan daw niya 'yon para magtanda. Sabi ko, hindi naman kami nagbulakbol. Nag-shoot lang talaga kami. Pagod na pagod na raw siya, masakit ang ulo & inaantok. Sabi ko, 'wag niya akong tulugan dahil hindi ko alam kung saan kami bababa. Pag-akyat ng jeep sa overpass sa Quiapo, muntik na siyang mahulog dahil umidlip siya. Sabi ko, kumapit siya. Bumaba kami kung saan & sumakay sa nakaparadang bus malapit sa Lawton, 'yung may 3 movie ads. Wala na raw sasakyan sa Park n' Ride dahil alas-9 na. Umupo kami sa left side ng Saulog Bus: ako sa tabi ng bintana, si Anthony sa may aisle. Napagod daw siya. Paanong hindi, e ang harot-harot niyang sumayaw. Sumakit daw ang ulo niya nang mag-ikutan sila ni Joshua, tapos pinabuhat pa sa kanya si Angeli. Nagugutom na ako kaya naglabas ako ng wafers. Meron daw akong wafers, e bakit hindi raw ako nagsasalita (nag-aalok). Sabi ko, hindi naman kasi siya nagtatanong. Hindi kasi ako nagmerienda. Bumili si Angeli ng mga tinapay, kumuha ako ng isang kababayan nang alukin nila ako. Isinubo ko nang buo kaya nahirapan akong nguyain 'to. Ngawit na ang panga ko, hindi ko pa nangunguya. Bakla raw 'yung katapat namin sa kanan. Sa tingin ko nga. Nakakaloko 'yung tingin, e. Sabi ni Anthony, binibigyan pa nga raw siya ng pamasahe. Ibinayad ko kasi ang kumag ng pamasahe sa bus. Sabi kasi ng nanay ko, ilibre ko raw ng pamasahe ang kaklase ko na makakasabay ko pauwi. Itinanong ko kung 1st time niyang ma-bakla. Hindi raw. Nagtanong 'yung kundoktor sa likod dahil may kasamang bata 'yung pasahero. May bayad na raw kasi ang bata kapag lampas na ng 5 taon. Sabi ko kay Anthony, paano kaya kung ginamitan ng kunduktor ng Health Ethics ang mga pasahero - e di walang kawala kahit gaano kaliit o ilang taon pa 'yung bata dahil "a person is a person, no matter how small". Sabi ni Anthony, bantayan ko raw 'yung bakla (baka may gawin sa kanya O.O). Natulog na ang kumag. Tumitingin-tingin ako paminsan-minsan sa katabi ko. Naalala ko 'yung kanta ko para sa isinusulat kong kwento: Mag-ingat sa Taong Natutulog. Kay sarap pagmasdan ng taong natutulog / Ingat lang ako, baka sa kanya'y mahulog... Natapos ko 'yung chorus, salamat sa katabi ko. Kay sarap pagmasdan ng taong natutulog / Ingat lang ako, baka sa kanya'y mahulog / Itong damdamin na aking kinikimkim / 'Di n'ya sana malaman / Sa kanyang paggising. May Lova Palooza noon sa Baywalk. Yayayain ko sana si Anthony na pumunta kami kaso, hindi dumaan sa Roxas Boulevard 'yung bus (Joke lang, baka sineryoso n'yo). Umalis na 'yung katabi ng bading na nasa tabi ng bintana pero hindi pa rin siya umalis sa pwesto niya sa may aisle. Laging itinatanong ni Anthony kung nasaan na kami tuwing nagigising siya. Bumaba na siya pagtigil ng bus sa tapat ng Aragon. Bumaba na rin ako sa 'di kalayuan.
Ayon sa mga ka-grupo ko, binugbog daw si Anthony ng tatay niya dahil ginabi kami ng uwi. Berde pa nga raw 'yung mga pasa nang pumasok siya nung Lunes.
Tanong: Kung sinamahan ko ba si Anthony hanggang sa bahay nila, bugbugin pa rin kaya siya? Makita ko kaya na binubugbog siya? Ano ba 'yun? *binatukan ang sarili*
0 Comments:
Post a Comment
<< Home